CAUAYAN CITY – Hindi umano maituturing na alarming ang nadiskubreng Omicron subvariant sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Guido David, miyembro ng OCTA Research Group kanyang inihayag na maganda pa rin ang kalagayan ng bansa at wala pa silang nakikitang pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Gayunman ay patuloy pa rin ang kanilang monitoring lalo na at may na-detect ng kaso ng Omicron BA.2.12.1 sa bansa na mas nakakahawa.
Una itong na-detect sa New York City sa Estados Unidos at nakitaan ng pagtaas ng kaso.
Sa ngayon ay hindi pa naman ito alarming pero hindi pa rin dapat maging kampante at dapat ipagpatuloy ang pag-iingat.
Ang characteristics ng BA.2.12.1 ay kapareho ng Omicron na kumalat sa bansa na BA.1 at BA.2.
Hindi naman ito nakakatakot kung bakunado na dahil mild lamang daw ang mararanasan subalit kung hindi ay malaki ang posibilidad na maging severe.
Bukod sa naturang subvariant ng Omicron ay mayroon pa silang mga binabantayang variant na maituturing na variant of concern.
Ito ay ang BA.4 BA.5 na unang nanggaling sa South Africa at mas mabilis makahawa.
Sa ngayon ay wala pa naman ito sa Pilipinas.
Sa kabila naman ng walang nakikitang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa ay hindi pa naman maitutuing na endemic.
Napakahalaga aniya ang pag-iingat at pagsunod sa health protocols.