Nakitaan ng mild symptoms ng COVID-19 ang lahat ng apat na pasyenteng nagpositibo sa Omicron variant sa Pilipinas, ayon sa Department of Health (DOH).
Pero sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi pa sa ngayon natutukoy ng mga health authorities ang iba pang katangian na mayroon ang mas nakakahawang variant na ito ng COVID-19.
Dalawa aniya sa mga pasyente ay nakaranas ng sipon, ubo at pangangati ng lalamunan pero gumaling din naman pagkatapos ng dalawang araw hanggang tatlong araw.
Ang dalawa namang iba pang mga pasyente ay asymptomatic.
Magugunita na Disyembre 15 nang unang inanunsyo ng Pilipinas ang unang dalawang Omicron variant cases na mayroon ito, na mula sa returning Filipino mula Japan at isang Nigerian national.
Halos isang linggo lang ang makalipas ay isa pang Omicron case ang naitala mula naman sa returning Filipino mula Qatar.
Ang pang-apat na Omicron case ng Pilipinas ay mula sa isang Pilipina na galing sa United States.
Nabatid na maging ang asawa ng naturang Pilipina ay nagpositibo rin sa COVID-19, pero ipoproseso pa sa sequencing ang samples na kinuha sa kanya.
Ayon sa mga health authorities, ang Omicron varian ay mas nakakahawa kaysa ibang variants ng COVID-19, pero lumalabas naman na ito ay hindi ganon kabagsik sa mga naunang uri ng COVID-19 na natuklasan.