LEGAZPI CITY – Pursigido ang pinuno ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa panawagang pagbuwag sa anti-corruption bodies na Office of the Ombudsman at Sandiganbayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni PACC chairman Greco Belgica, na kasalanan ng dalawang tanggapan kung bakit maraming naabsweltong personalidad na sangkot sa kasong katiwalian.

Mabagal daw kasi masyado ang paghawak ng Ombudsman at Sandiganbayan sa mga kasong kanilang hinahawakan.

Bukod dito, wala na rin umanong nakikitang dahilan ang opisyal para mag-function pa ang mga special courts.

Aminado si Belgica na pagbabago ng Saligang Batas ang solusyon para tuluyang mabuwag ang naturang mga tanggapan.