-- Advertisements --

Kinumpirma ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na opisyal nang natanggap ng Office of the Ombudsman ang partial committee report mula sa tanggapan ni dating Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Panfilo “Ping” Lacson.

Ang ulat ay naglalaman ng mga resulta ng imbestigasyon hinggil sa maanomalyang flood control projects sa bansa.

Ayon kay Clavano, ang mga impormasyong nakapaloob sa ulat ay agad na ipapasa sa mga case team na humahawak sa iba’t ibang flood control cases para sa kanilang masusing pagsusuri at kaukulang aksyon.

Partikular na binanggit sa report ang mga pangalan nina Senador Francis Escudero, Joel Villanueva, at Jinggoy Estrada.

Kasama rin sa mga pinangalanan sina dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., Leyte Rep. Martin Romualdez, at dating House Appropriations Committee Chair Rep. Elizaldy Co.

Inirekomenda ng komite na isailalim ang mga nabanggit sa preliminary investigation, fact-finding investigation, o case buildup. Ito ay dahil sa mga posibleng paglabag sa batas gaya ng direct bribery, anti-graft and corrupt practices, at plunder.