-- Advertisements --

Lumakad na rin daw ang sariling imbestigasyon ng Department of Health (DOH) sa mga kawani nito, kasunod ng anunsyo ng Office of the Ombudsman na iimbestigahan nito ang umano’y mga anomalya sa pagresponde sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, tugon ito ng ahensya matapos sabihin ni Ombudsman Samuel Martires na pinagpasa-pasahan ng DOH at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang kanyang mga imbestigador na nagsimulang magsiyasat noon pang Marso.

Sa isang panayam sinabi ni Ombudsman Martires na hanggang sa naabutan ng lockdown ay hindi natapos ang mga inatasan niyang magsiyasat sa procurement ng DOH sa personal protective equipments at test kits dahil kung saan-saan daw tinuro ng dalawang tanggapan ang mga imbestigador.

Inamin naman ni Usec. Vergeire na sa ginawang meeting ng DOH kagabi ay natukoy na may ipinadalang request noon ang Ombudsman para sa impormasyon ng test kits at procurement, pero iginiit na hindi pinagpasa-pasahan ng ahensya ang mga imbestigador.

Paliwanag ng opisyal, posibleng ang referral sa pagitan ng kagawaran at RITM ang nagpabagal sa proseso. Kaya naman tina-track na raw nila ngayon kung alin sa mga tanggapan ng DOH at RITM ang dinaanan ng naturang Ombudsman request.

Bagamat handa ang Health department na magpa-imbestiga sa anti-graft body, inamin ni Usec. Vergeire na naapektuhan ng anunsyo ng Ombudsman sa imbestigasyon, ang morale ng kanilang mga empleyado.