Inatasan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na imbestigahan ang posibleng koneksyon ng CLTG Builders at ang mag-asawang Pacifico ‘Curlee’ at Sarah Discaya, kinumpirma yan ni DPWH Sec Vince Dizon. Base kasi sa pahayag ni Remulla, tila ba ay pinoprotektahan ng mag-asawa ang naturang construction company.
Ayon sa kalihim, simula ngayong araw ay titignan na rin nila ang mga dokumento na may kaugnayan sa mga kumpanya. Aniya, bibisitahin din nila ang mismong mga proyekto ng CLTG Builders upang suriin kung ito ay maayos na naitayo.
Dagdag ni Dizon na ang mga proyekto ng CLTG Builders mula taong 2016 ang sisimulan nilang silipin dahil base na rin ito sa isinawalat ng mag-asawa sa Senate Blue Ribbon Committee na lumaki ang negosyo nila magmula 2016.
Ang CLTG Builders ay isang construction company na may kaugnayan sa ama ni Sen. Bong Go.
Pagtitiyak ng kalihim na kahit siya ay nagtrabaho sa ilalim ng dating administrasyon kasama ang naturang senador, patuloy nila itong iimbestigahan at walang pipiliin sa paghahanap ng katotohanan.