Umapela ang isang grupo sa Office of the Ombudsman at Department of Health (DOH) na resolbahin ang mga kasong hinaharap ni dating National Center for Mental Health (NCMH) administrative officer Dr. Clarita Avila.
Ayon sa Pinoy Aksyon for Governance and the Environment (Pinoy Aksyon), sangkot Avila sa paggawad ng P14.9-milyong kontrata ng NCMH sa isang Octant Builders.
Sinasabing incorporator ng nasabing kompanya ang former NCMH official.
“We appeal to the Ombudsman and the DOH to resolve the cases vs Avila. At this time of COVID-19 pandemic, the government needs to show the people how strong [the] force of the rule of law is, if only to assuage the public that government is there to serve and protect,” ani Em Ross Guangco, tagapagsalita ng grupo.
Paglabag daw ang pagmamatigas noon ni Avila na umalis ng NCMH, sa kautusan ng DOH at panuntunan ng Civil Service Commission.
Kung maaalala, inilipat ng Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa Las Piñas si Avila, ilang araw matapos isiwalat ang kakulangan ng NCMH sa mga gamit.
Noong 2019, inireklamo ni dating East Avenue Medical Center chief administrative officer Rilando Cortez si Avila ng graft at malversation dahil sa ugnayan nito sa nabanggit na kompanya.
Si Cortez ang kasalukuyang chief ng NCMH.
Nitong taon naman, inireklamo rin ng National Bureau of Investigation si Avila sa anti-graft court dahil sa procurement ng CT Scan project na nagkakahalaga ng P30-milyon.
Ayon kay Avila, ibinasura na ng korte ang mga reklamo laban sa kanya.