Ipinag-utos ngayon ng korte sa Olongapo City na palayain na ang US Marine na si Joseph Scott Pemberton.
Si Pemberton ay convicted sa pagpatay sa transgender woman na si Jeffrey alyas Jennifer Laude.
Ayon sa Olongapo Regional Trial Court (RTC) Branch 74, napagsilbihan na raw ni Pemberton ang 10 taong prison sentence sa pamamagitan ng pag-apply ng good conduct time allowance (GCTA).
Unang sinentensiyahan si Pemberton ng anim hanggang 10 taong pagkakakulong ng Olongapo RTC Branch 74 noong December 2015 dahil sa pagpatay kay Laude na natagpuang patay sa banyo ng Celzone Lodge sa Olongapo City noong October 11, 2014.
Una rito, pinagbigyan ng Supreme Court (SC) Ang hirit ni US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na i-withdraw ang kanyang appeal to review kaugnay ng kanyang homicide conviction.
Sa isang pahinang notice mula sa Third Division ng Korte Suprema, base sa desisyon ng mga mahistrado sa hirit ni Pemberto, maikokonsidera na itong “closed” at “terminated” matapos maghain ng urgent motion to withdraw sa petition for review on certiorari na inihain noong 2017.
Sa resolusyon ng Third Division na pirmado ni Atty. Misael Domingo Battung III – Clerk of Court ng naturang dibisyon na may petsang June 15, 2020, granted ang petition ni Pemberton.
Una rito, sinabi ng kampo ni Pemberto na tinatanggap na nito ang hatol ng korte na maging final and executory na.
Sa pagdinig noon, inamin ni Pemberton na sinakal nito ang transgender na si Laude sa motel room dahil nadiskubre nitong lalaki pala ang kanyang sex partner.
Inilublob pa ni Pemberton ang mukha ni Jennifer sa inidoro hanggang mamatay ito.
Kinatigan ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng lower court dahilan para umakyat sa SC ang kampo ni Pemberton.