Pinangangambahan ang posibleng oil spill matapos lumubog ang isang fishing vessel sa karagatan ng Calatagan, Batangas, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Ang barkong F/V Anita DJ II ay may dalang 70,000 litro ng marine diesel oil nang lumubog ito noong Linggo, Agosto 27, ayon yan sa Philippine Coast Guard. Nasagip naman daw ang 13 tripulante nito.
Samantala, kinumpirma ni Philippine Coast Guard-Batangas Station Commander Capt. Victorino Acosta na may namataan silang oil sheen sa lugar kung saan lumubog ang barko.
Sinabi ng opisyal ng PCG-Batangas na aktibo na ang incident command post ng grupo, at handa na ang oil spill response nito. Batay sa tinatahak ng hangin, posibleng umanong maapektuhan ang mga bayan ng Calatagan, Lemery, San Luis, Mabini, at Isla Verde.