Dinepensahan ni Sen. Sherwin Gatchalian ang Department of Energy (DOE) matapos harangin ng mabababang korte ang plano nitong paghimay sa price adjustments ng oil companies.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy nitong araw, inanunsyo ng chairman na si Gatchalian ang plano nitong paghahain ng panukala para amiyendahan ang Oil Deregulation Law.
Ayon sa senador, karapatan ng DOE na malaman kung iligal na ang ginagawang paghawak ng oil companies sa kanilang mga produkto.
“Ang punto naman ng DOE is transparency. The DOE should be able to know if the players are hoarding. For example, tumaas presyo ‘di ka nagbenta para maibenta mo pa ng mas mataas,” ani Gatchalian.
“May tinatawag rin na ‘industry take’. They want to understand if the industry take is beyond reasonable terms. Though it is a private endeavor. We also need to understand the ‘industry take’.”
Para sa mambabatas, panahon para amiyendahan ang batas na noong 1998 pa nilagdaan ng gobyerno.
“Matagal na rin ang Oil Deregulation law. It’s about time to revisit it. The promise of the law is more competition will lead to lower prices. We need to check if that promise is being achieved right now.”
Sa ilalim ng batas, tinanggal ng gobyerno ang restrictions sa oil companies para sa mas maayos na kompetisyon sa pagitan ng mga ito.
Kamakailan nang aprubahan ng kapwa Mandaluyong at Pasig Regional Trial Courts ang injunction cases na inihain ng grupo ng mga kompanya ng langis para harangin ang memorandum circular ng DOE.
Layunin kasi nito na silipin ang adjustment ng oil companies sa mga produkto nito.