CAUAYAN CITY – Nag-ambagan na lamang ang mga Pinoy domestic helpers sa Oman para may maitulong sa mga kapwa nila overseas Filipino workers (OFWs) na no work no pay sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Analyn Camona Riobuya, sinabo nito na kahit sa Muscat City, kung saan sila nakatira ng kanyang asawa, ay marami rin ang walang trabaho at umaasa na lamang sa maibibigay na tulong sa kanila.
Dahil dito, napagdesisyunan aniya nilang mag-ambagan na lamang upang may maipahatid na tulong sa mga kapwa Pinoy.
Maraming beses na umano silang nagpadala ng mensahe sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) doon subalit binigyan lamang sila ng contact number na kokontakin at hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap na tulong.
Bagamat may trabaho siya ngayon dahil homebased ang kanyang amo ay hirap pa rin sila dahil ang ibinigay lamang na sahod sa kanyang asawa na nagtatrabaho sa isang clinic ay halos kalahati lamang.
Naiintindihan naman aniya nila ang sitwasyon subalit ang gusto lamang nilang malaman ngayon ay kung mayroon na bang natutulungan ang embahada ng Pilipinas doon para alam nila kung sino ang kanilang mga tutulungan.
Nanawagan siya sa pamahalaan na sana bigyan ng pansin ang mga OFWs sa ibang bansa lalong-lalo na ang mga no work no pay dahil sila ang mga pinakaapektado ngayon.