-- Advertisements --

Para matiyak na mapopondohan ng husto ang universal health care sa bansa at masawata ang pinaka-ugat ng korapsyon at mismanagement sa PhilHealth, inihain ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda ang panukalang batas para sa overhaul sa main segments ng operation ng state health insurer.

Inihain ni Salceda ang House Bill No. 7578 o ang PhilHealth Reform Act of 2020, kung saan nakapaloob ang kanyang mga rekomendasyon sa ilalim ng 33-pahinang aid memoire sa liderato ng Kamara at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

Sa ilalim ng panukala, ang Secretary of Finance na ang magiging chairman of the board ng Philhealth.

Bilang isang insurance at investment agency sabi ni Salceda kailangang mahusay sa financial management ang mauupo rito.

Ayon kay Salceda, mga overseas Filipino workers (OFWs) ang siyang unang magbebenepisyo sa overhaul na mangyayari sa PhilHealth sa oras na maging ganap na batas ang kanyang inihaing panukala.

Hindi na kasi aniya kailangan pang magbayad ng mga OFWs ng premium contributions sa PhilHealth dahil ang kanilang income ay hindi naman kinikita sa Pilipinas, at hindi rin nagagamit ang serbisyo ng state health insurer bilang wala naman sila sa bansa.

Aabot naman sa P4,800 ang matitipid ng mga minimum wage earners kada taon sa premiums na kanilang binabayad.

Sa kanyang panukala, sinabi ni Salceda na magiging mas progresibo ang premium contribution scheme, kung saan pag-uugnayin ang income tax rate sa premium contribution.

Ang mga minimum wage earners na exempted sa income taxes ay magbabayad ng P100 lamang na monthly minimum contributions, mas mababa kung ikukumpara sa P250 hanggang P500 na buwanang ibinabayad kada buwan sa kasalukuyang sistema.

“Under the old scheme, the more you earn above the ceiling, the less you pay as a share of income. This is of course not progressive. We are improving the system by linking it with income. We will also help stamp out income reporting fraud since tax returns can be the basis for the premiums,” ani Salceda.