-- Advertisements --

VIGAN CITY – Inaasahan ng Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) na sa mga susunod na araw ay magsisimula na ang meeting ng Philippine embassy sa Baghdad at Filipino community sa nasabing Iraq.

Ito ay para sa repatration ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) kaugnay pa rin sa tensyon sa pagitan ng Iran at Amerika matapos na makarating na roon ang Inter-Agency Task Force na pinangungunahan ni Environment Secretary Roy Cimatu na dating special envoy to the Middle East.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay OWWA Administrator Atty. Hans Leo Cacdac, sinabi nito na nakatakdang pag-usapan ng embahada ng Pilipinas at ng Filipino community ang mga gagawing proseso at hakbang sa pagpapauwi ng mga Pinoy workers upang hindi sila maipit sa gulo.

Pinalalahanan naman ni Cacdac ang mga Pilipinong mayroong kamag-anak sa Iraq at sa iba pang bansa sa Middle East na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan at sa Department of Foreign Affairs upang mas mabilis na matukoy kung nasaan ang kanilang mga kamag-anak.