-- Advertisements --

Nananawagan si Overseas Filipino Workers (OFW) Party List Group sa Kamara na palawakin ang imbestigasyon kaugnay sa talamak na sabwatan sa pagitan ng ilang mga indibidwal at ilang tiwaling opisyal ng Bureau of Immigration (BI).

Ayon kay Overseas Filipino Workers (OFW) Party List Representative Marissa “Del Mar” Magsino na kinakailangang imbestigahan at mapatawan ng kaukulang parusa ang mga corrupt officials ng Immigration Department matapos sumambulat ang panibagong eskandalo sa nasabing ahensiya.

Ang pahayag ni Magsino ay kaugnay sa sinasabing “organisadong estilo” ngayon sa BI para sa pagpapalabas ng mga Pilipino papuntang Cambodia, makaraang mabisto ang modus-operandi sa loob ng Clark International Airport na kinasasangkutan ni Immigration Officer 1 Alma Grace Ambrocio David.

Sinabi ng kongresista na sa kabila ng itinatag nilang Anti-Trafficking OFW Movement (ATOM) na pinasinayahan pa mismo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte para maprotektahan ang mga OFW’s, nakakadismaya aniya na nagpapatuloy pa rin ang talamak na illegal reccruitment at human trafficking sa Pilipinas.

Ayon pa kay Magsino, ang mas lalong nakakahiya at nakakadismaya ang mga napapabalitang ang sangkot umano sa ganitong masamang kalakaran ay ang mismong mga tiwaling tauhan at opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na itinuturing na sindikato sa loob ng ahenisya.