-- Advertisements --

Iniulat ni Overseas Workers Welfare Administration Administrator Arnell Ignacio na ililibing na sa darating na linggo, February 5 ang pinatay na OFW sa Kuwait na si Jullebee Ranara.

Sinabi ni Admin Ignacio na ihihimlay ang labi ni Ranara sa Golden Haven, Las Piñas City.

Patuloy naman aniyang humihiling na pribadong makapagluksa ang mga naulilang mahal sa buhay ni Ranara.

Kasunod nito, sinabi ni Admin Ignacio na naasikaso na rin ng Overseas Workers Welfare Administration ang burial assistance at naipamahagi na rin ang nasa P800,000 insurance sa pamilya nito maging ang scholarship para sa lahat ng anak ni Ranara.

Patuloy rin aniya ang pagbuhos ng tulong ng iba’t ibang sektor sa pamilya ni Jullibee kabilang ang pagbibigay kuryente ng MVP at pangakong bagong bahay naman ni Senator Mark Villar.

Sa ngayon, patuloy rin aniya ang pagmomonitor ng Department of Migrant Workers at Overseas Workers Welfare Administration sa pag-usad ng kaso hanggang makamit ang hustisya sa nasawing OFW.