LEGAZPI CITY – Inako ng alkalde ng San Miguel, Catanduanes ang responsibilidad sa pagpapagamot at pag-monitor sa isang overseas Filipino worker (OFW) na nagpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ito matapos tanggihan ng tatlong ospital ang naturang OFW na kakauwi lang sa naturang island province mula sa Saudi Arabia.

Ayon kay Mayor Francisco Camano sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na naka-quarantine ang pasyente sa quarantine facility sa naturang bayan subalit nagdesisyon na magtungo sa ospital matapos kumpirmhin ng Department of Health (DoH) na positibo sa virus subalit walang tumanggap dito.

Idinahilan umano ng naturang mga ospital na tanging ang severe cases lamang ang kanilang tinatanggap at hindi ang mga mild cases.

Kaugnay nito sinuguro ni Camano na ibibigay ng lokal na pamahalaan ang lahat ng pangangailangan ng pasyente hanggang sa tuluyan itong gumaling, sa tulong ng municipal health officers.

Tila nagduda na rin aniya si Bicol patient#82 sa kondisyon ng kalusugan kaya hindi ito nakipagsalamuha sa kaniyang pamilya pag-uwi sa lalawigan.
Sa kabila nito, naka home quarantine na rin ang pamilya ng pasyente upang makasiguro na ligtas sa banta ng virus.

Samantala, pinag-iisipan na rin na isailalim sa lockdown ang ilang bahagi ng barangay kun saan nakatira ang naturang pasyente.