Handa na sa katapusan ng buwan ng Hunyo ang offsite dormitories na ginawa ng Department of Public Works adn Highways (DPWH) para sa mga medical frontliners ng Quezon City.
Sinabi ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar na ang pasilidad na may anim na cluster ng dormitories sa loob ng Quezon Memorial Circle ay puwede nang gamitin sa Hunyo 30.
Ang purpose-built offsite dormitories ay bilang suporta sa pangangailangan ng accommodation facilities ng mga hospital workers na nasa front lines dahil pa rin sa pag-asikaso sa mga Coronavirus disease 2019 (COVID-19) patients.
Ang isang kuwarto ng dormitoryo ay kayang maka-accomodate ng dalawang katao o 32 katao sa bawat dormitoryo o 192 sa anim na dormitories.
Mayroon itong living room at common dining maging ang hiwalay na espasyo para sa laundry at kitchen area.
Makikinabang sa temporary shelter project ang mga medical personnel ng Quezon City na nakabase sa iba’t ibang ospital gaya ng National Kidney and Transplant Institute, Philippine Heart Center, East Avenue Medical Center, Veterans Memorial Hospital, Childrens Hospital at V. Luna General Hospital.