CAUAYAN CITY- Dumating na sa Provincial Capitol ng Isabela ang mga official ballot na galing sa Central office ng COMELEC.
Pangangalagaan ng Provincial Treasurer’s Office ang mga official ballot na gagamitin sa halalan sa May 9, 2022.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Provincial Treasurer Maria Theresa Flores ng Isabela na isinakay sa dalawang malalaking truck ang mga official ballot na para sa Isabela kabilang ang para sa Santiago City.
Bago ang pagdating ng mga official ballot ay nagkaroon ng pagpupulong kahapon ang mga Provincial, Municipal at City Treasurers, mga kasapi ng PNP, AFP, DILG, DOH, NGCP, COMELEC election officers at iba pang sangay ng pamahalaan upang tiyakin ang seguridad sa pagdating ngayong araw ng mga official ballot.
Sa ngayon ay sinisimulan nang isegregate ang mga official ballot bago ipasakamay sa F2 Logistics na official courier ng 2022 elections na magdadala sa mga bayan at Lunsod sa Isabela.