-- Advertisements --

Suportado ng OCTA Research group ang mungkahi na huwag nang gawing requirement ang pagsusuot ng face shields sa loob ng mga sinehan.

Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, hindi makakapag-enjoy ang isang tao sa panonood ng pelikula sa loob ng sinehan kung oobligahin ang mga ito na magsuot ng face shield.

Sa katunayan, ang usapin na ito ay naungkat nga rin aniya sa Go Negosyo forum.

Tsaka, kung tutuusin, iginiit ni David na ang pinapayagan lang naman manood ng pelikula sa sinehan ay iyong mga fully vaccinated na.

Nauna nang inanunsyo ng pamahalaan ang reopening ng mga cinemas sa Metro Manila matapos na inilagay ang rehiyon sa Alert Level 3.

Pero, tanging ang mga fully vaccinated lamang na mga indibidwal ang papayagan sa 30 percent seating capacity ng mga sinehan.

Ayon sa Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP) simula Nobyembre 10 ay magbubukas na ulit ang mga sinehan.

Kabilang sa mga protocols na kailangan ng mga papasok sa cinemas ay ang pagsuot ng face shields at face masks.