-- Advertisements --

Bukas ang OCTA Research group sa imbestigasyon na ikinakasa sa Kamara laban sa kanila, at kanilang papel sa nakalipas na taon hinggil sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Dr. Guido David, pagkakataon na rin nila ito para maipaliwanag ang methodology na kanilang ginagamit, at hindi patas na binabatikos sa online sa mga nakalipas na araw.

Hindi kasi aniya sila binibigyan ng wastong venue para dipensahan ang kanilang mga pamamaraan sa paglikom ng mga datos hinggil sa COVID-19 pandemic.

Sinabi naman ni David na igigiit niyang tumayo bilang “witness” ang infectious disease expert na si Dr. Edsel Salvana sa mga pagdinig sa Kamara.

Kahapon, limang kongresista ang naghain ng resolusyon para ipasilip sa House Committee on Good Government and Public Accountability ang credentials at background ng mga miyembro ng OCTA Research.

Mayroong public health at public policy anila na kailangan para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng publiko sa panahon ng pandemya, at dapat lahat ng mga impormasyon na isinasapubliko ay tama.