MANILA – Naniniwala ang independent group na OCTA Research na kayang maabot ng ilang lugar sa Pilipinas ang “herd containtment” sa COVID-19 kung mababakunahan ang 50% ng kanilang populasyon.
Batay sa pinakabagong report ng grupo, inirekomenda ng mga eksperto na bilisan ng pamahalaan ang pagbabakuna sa kahit 50% ng populasyon sa National Capital Region, bilang isa ito sa may pinakamataas na numero ng COVID-19 cases.
Maging ang mga lungsod ng Tuguegarao (Cagayan), Santiago (Isabela), Baguio (Benguet), Cainta (Rizal), Imus (Cavite), at Cebu.
“In many countries that have vaccinated 50% of the population, there has been an immediate impact on herd containment of COVID-19. This is the immediate target in high-risk areas,” ayon sa OCTA.
Tinatayang 15.96-million doses ng COVID-19 vaccines ang kakailanganin para mabakunahan ang 7.98-million na populasyon ng nabanggit na mga lugar.
Dagdag pa ng grupo, kailangan na rin mabakunahan ang hanggang 40% ng populasyon sa mga “moderate to high risk” areas; at hanggang 30% ng mga nakatira sa mga lugar na nasa “moderate risk.”
“A rollout of 30 to 35 million vaccines before the end of 2021, allocated by risk level, will help the country recover before the end of 2021.”
Batay sa datos ng Department of Health, aabot na sa higit 160,000 indibidwal ang nababakunahan laban sa COVID-19 kada araw.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, kailangang umakyat sa 500,000 ang daily vaccination rate para maabot ang target na 70-million indibidwal na mababakunahan sa pagtatapos ng taon.