-- Advertisements --

Pina-iimbestigahan ng ilang miyembro ng Kamara ang OCTA Research group, na aktibong nagbibigay ng kanilang projections at babala laban sa COVID-19 pandemic.

Sa House Resolution 2075 na kanilang inihain, hinimok nina Deputy Speakers Bernadette Herrera, Kristine Singson-Meehan, Sharon Garin, Deputy Minority Leader Stella Luz Quimbo, at Quezon City 4th District Rep. Jesus “Bong” Suntay, ang House Committee on Good Government and Public Accountability na magsagawa ng imbestigasyon “in aid of legislation” para masilip ang credentials at background ng mga miyembro ng OCTA Research.

Iginiit ng limang kongresista na mayroong public health at public policy na kailangan para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng publiko sa panahon ng pandemya, at dapat lahat ng mga impormasyon na isinasapubliko ay tama.

Kaya naman layon anila ng kanilang resolusyon na inihain na matukoy ang “qualifications, research methodologies, partnerships at composition” ng OCTA Research group.

Nais din aniya nilang ma-validate ang koneksyon sa pagitan ng OCTA Research group at ng University of the Philippines System.

Ito ay matapos na sabihin ng OCTA Research group na mayroon silang partnership pero itinanggi naman ng University of the Philippines.