BOMBO DAGUPAN – Nakatakdang magsagawa ng 2nd quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ang Civil Defense Region 1 sa probinsya ng Ilocos kaugnay sa paghahanda sa “The Big One”.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bernadette Abubo Abad, ang civil defense officer II, OCD Region 1 dahil sa tagal na umano ng pagsasagawa ng kanilang hanay ng NSED ay nakasisiguro silang marami ng mga kaparaanang natututunan ang mga mamamayang nakikiisa sa ganitong uri ng aktibidad bilang kahandaan sa anumang sakuna.
Mayroon namang isinasagawang contingency plan ang regional office patungkol sa earthquake drill na patuloy aniya nilang ginagawan ng update dahil nakadepende sila sa sitwasyon ng rehiyon.
Nais din aniya nilang isabay sa 4th quarter ng taon ang pagbibigay kaalaman at kahandaan patungkol naman sa tsunami ngunit sa kasalukuyan ang kanilang prayoridad ay sa aktwal na mga scenario ng isasagawang Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED).
Aniya nakahanda naman ang kanilang rescue team at medical team sakaling may mangyaring hindi inaasahan.
Nagbigay naman ng paalala si Abad patungkol sa ilan sa mga dapat na gawin upang makaiwas sa maaaring pinsalang maiwan ng lindol kung saan dapat aniyang i-secure ang bahay at tignan kung may kailangang ayusin, dapat ding maging pamilyar sa mga safety equipment at mga exit areas.
Dapat din aniyang magkaroon ng fire extinguisher, medical kits at kung kakayanin ay importanteng magkaroon ng emergency go back sa bahay o sa opisina.
Pagbabahagi pa ni Abad na patuloy naman ang kanilang isinasagawang pagsasanay sa kanilang mga kasapi sa mga naturang aktibidad at na-introduce rin aniya ang apat na thematic areas ng National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC) upang ang mga ito na mismo ang mag-identify kung ano ang dapat palakasin katulad ng pagpapatupad ng building code.