VIGAN CITY – Nilinaw ng Office of the Civil Defense na hindi sila namimigay ng disinfectant sa mga quarantine facility at tanging alcohol lamang ang chemical na ipinapamahagi nila sa mga pasilidad ngayong panahon ng COVID19 pandemic.

Ang paglilinaw ng nasabing ahensya ay matapos umanong akusahan ni Philippine National Police Chief Archie Gamboa na nanggaling sa kanila ang disinfectant na nalanghap ng nasawing ng police doctor na si Casey Gutierrez na nagtatrabaho sa Philippine Sports Arena quarantine facility at pati na rin umano ang mga personal protective equipment na kanyang ginamit.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay OCD Spokesman Mark Timbal, patuloy pa rin ang kanilang pamamahagi ng mga pagkain at ang paghahanda nila sa mga quarantine facility.

Aniya, mahigit isang milyon na ang naipapamahagi nilang gamit para sa COVID19 sa mga pasilidad dahil may donasyon din umano ang iba’t ibang bansa sa Pilipinas.