Nakahanda ang Office of the Civil Defense sa posibilidad na lumala at itaas pa sa alert level no. 4 ang estado ng Bulkang Mayon.
Siniguro ni Civil Defense Administrator at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director, Undersecretary Ariel Nepomuceno na may nakahandang pondo na nakahandang gamitin ng pamahalaan.
Sa katunayan, ayon kay Usec Nepomuceno, mahigit P1.3Billion na halaga ng tulong ang hawak ngayon ng ahensiya, na kinabibilangan ng mga pagkain, hygiene kits, tubig, at iba pang pangangailangan.
Sakali namang itaas na sa Alert level 4 ang estado ng Bulkang Mayon, maaaring palawigin na rin sa 7kilometer ang sinusunod na 6-km permanent danger zone.
Matatandaang nauna nang inilikas ang mga residente na nakatira sa 6-km permanent danger zone habang ilang bayan na rin sa Albay ang unang nag-abiso sa kanilang mga residente na isama ang ilan pang nakatira sa 7km radius.