-- Advertisements --

Iginiit ni Office of the Civil Defense administrator Usec. Ariel Nepomuceno na dapat tiyaking may matatag na pundasyon ang mga gusali na siyang mainam na solusyon para maiwasan ang pagkawala ng maraming buhay sakaling tumama ang pinangangambahang ‘The Big One’.

Ayon sa OCD official ang engineering solutions at pagtalima sa building code ay pinakamainam na hakbang sa paghahanda sakaling tumama ang lindol.

Dapat aniya na hindi lamang sa Metro Manila isagawa ang naturang rekomendasyon kundi maging sa iba pang mga siyudad sa bansa.

Ang mga struktura naman sa ‘no build zone’ at ‘landslide prone areas’ ay dapat na ipagbawal.

Ibinabala rin ng opisyal ang posibleng pinsala sa libu-libong struktura kabilang ang mga gusali at bahay at tinatayang 30,000 hanggang 48,000 katao na maaring masawi sa Metro Manila sakaling tumama sa bansa ang The Big One o magnitude 7.2 na lindol sa west valley fault na tinatayang may lawak na 100 km saklaw ang 6 na siyudad sa Greater Metro Manila area.

Ang babalang ito ng OCD ay kasunod na rin ng tumamang magnitude 7.4 na lindol doon sa Taiwan na ikinasawi na ng 12 katao at mahigit 1000 ang nasugatan.