Hindi pa man nare-resolba ang issue bilang substitute candidate ng Duterte Youth Party-list, nahaharap sa panibagong kontrobersya si resigned National Youth Commission (NYC) chairman Ronald Cardema dahil sa maanomalya umanong paggamit ng tanggapan sa pondo noong nakaupo pa ito sa pwesto.

Nakita ng Commission on Audit sa 2018 report nito para sa NYC na may iregularidad sa balances at leave credits ng tanggapan na umabot sa higit P1.5-milyon.

Ayon sa state auditors, hindi tama ang naging paggamit ng 67 empleyado ng NYC sa kanilang leave credit balances na nagkakahalaga ng P680,000.

Ito’y matapos umanong magamit ng mga ito ang kanilang compensatory time-offs (CTO) para sa offset official travels na pumatak ng weekends at holiday

“The balance of leave credits appearing in the leave cards were incorrect due to the number of days of absence that were being compensated by the CTOs/[special days off] were not deducted from the leave credits of the said officials and employees,” ayon sa COA.

Bukod dito may 16 din daw na kawani ang tanggapan na ginamit ang kanilang leave credits na nagkakahalaga naman ng higit P850,000 sa kabila ng pagkabigo ng mga ito na makatalima sa COA Circular No. 2012-01.

Sa ilalim nito nililimitahan lamang ang mga empleyado ng gobyerno na i-monetize ang 50-percent ng kanilang leaves para sa ano mang emergency.

Hindi naman nakalusot ang labis na gastos ng mga opisyal ng NYC sa kanilang mga biyahe na umabot sa halos P130,000.

Ayon sa COA, hindi sinunod ng komisyon ang nakasaad sa Executive Order No. 298 kung saan P800 kada araw ang dapat na travel expense ng isang government personnel.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here