-- Advertisements --

SA LALAWIGAN NG NUEVA VIZCAYA – Kaagad na naglabas ng kautusan ang Provincial Director ng NVPPO na ma-relieve sa puwesto si PMajor Romeo Barnachea, hepe ng Bagabag Police Station kabilang ang team leader at ilang miyembro ng Border Control Point matapos barilin at mapatay ng isang pulis ang kapwa pulis.

Layunin nitong hindi maimpluwensyahan ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCol. Ranser Evasco, Provincial Director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, ang biktima ay si PCorporal Jomar Puhay, tatlumput anim na taong gulang, may asawa, kasapi ng Bagabag Police Station at residente ng Villaros, Bagabag, Nueva Vizcaya

Habang ang pinaghihinalaan ay si PMaster Sgt. Jefferson Bartolome, apatnaput tatlong taong gulang, may-asawa at kasapi rin ng Bagabag Police Station na nakatalaga sa 1st PMFC Bayombong, Nueva Vizcaya, residente ng Poblacion West, Lamut, Ifugao.

Batay sa report ng NVPPO, gabi ng Martes nang tumawag si Patrolman Larry Tarayao ng 1st PMFC sa Bagabag hotline kaugnay sa naganap na shooting incident.

Batay sa ulat ni Patrolman Tarayao naiwan sa kusina ang suspek at ang biktima na nag-uusap na hinihinalang hindi nagkaintindihan pagkatapos magpatrolya.

Bigla na lamang umanong nakarinig si Patrolman Tarayao at kasama nitong nakaduty na si Patrolman Christian Manibug ng putok ng baril mula sa kinaroroonan nina PMasterSgt Jefferson Bartolomeo at PCorporal Jomar Puhay.

Agad umanong tinungo ng dalawang naka-duty na pulis ang kinaroroonan ng kanilang kasamahan at dito nakitang nakasubsob lupa si PCpl. Puhay na umanoy wala nang malay habang wala na sa lugar ang pinaghihinalaan na si PMaster Sgt. Bartolomeo.

Dinala pa ng Bagabag ambulance sa pagamutan ang biktima ngunit idineklara ring Dead On Arrival na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ibaba ng kaliwang mata.

Nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga kasapi ng Bagabag Police Station at 1st PMFC.

Isa umanong Doktor ang nagpaabot ng impormasyon sa mga pulis nang pagkakatagpo nito ng bangkay ng isang pulis sa likod ng kanyang bahay.

Kinilala naman ng mga otoridad ang natagpuang wala nang buhay na si Police Master Sgt. Bartolome.

May hinala ang pulisya na nabaril sa bunganga ang biktima na nagsanhi ng kanyang kamatayan.

Agad prinoseso ng Nueva Vizcaya Provincial Forensic Unit ang crime scene at nakuha sa lugar ang isang fired cartridge case ng caliber 9mm at ang issued firearm nito na isang 9mm ang ginamit sa pagpapakamatay.

Sasailalim sa paraffin test ang suspect at ang biktima upang malaman kung sino ang nagpaputok ng baril sa kanila.

Ayon kay PCol. Evasco agad silang nagtungo sa lugar matapos malaman ang pangyayari ngunit dahil armado ang suspek ay mga pamilya muna nito ang nagtungo sa lugar.

Tumakas ang pinaghihinaaan matapos barilin ang kapwa pulis at kalaunan ay sinasabing nagbaril din sa sarili na nagsanhi ng kanyang kamatayan.

Ayon kay PCol. Evasco huling duty na sana ng biktima ng gabing iyon at lilipat na sa ibang checkpoint kinabukasan.

Hindi rin umano gaanong magkakilala o magka-buddy ang dalawa dahil mas senior si PMSgt. Bartolome kaya hindi nila malaman kung ano ang kanilang pinag-awayan bago ang pamamaril.

Tiniyak naman ni PCol. Evasco na patuloy ang kanilang imbestigasyon at maging ang Provincial Internal Affairs ay nagsasagawa na rin ng sarili nilang moto propio na imbestigasyon sa pangyayari.

Pinaalalahanan naman niya ang mga pulis na maging maingat sa pagdadala ng baril dahil ang mga ito ay ginagamit lamang bilang pagprotekta sa mga mamamayan at hindi para gamitin sa kanilang mga kaaway.