-- Advertisements --

Nilinaw ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) na hindi miyembro ng grupo si Atty. Amando Virgil Ligutan, private prosecutor sa impeachment trial ni Vice Presudent Sara Duterte.

Ginawa ng grupo ang paglilinaw kasunod ng Facebook post ni dating National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson Lorraine Badoy na nag-ugnay kay Atty. Ligutan sa NUPL at sa grupong Lumaban, na itinalaga ng Anti-Terrorism Council bilang teroristang organisasyon.

Gayunman, mariing pinabulaanan ito ni NUPL Secretary General at human rights lawyer Kristina Conti. Ayon kay Conti, hindi miyembro ng NUPL si Ligutan at mali at mapanirang paratang ang mga pahayag ni Badoy.

Sinabi rin ni Conti na karaniwan umanong nabibiktima ng red-tagging ang mga abogado na humahawak ng mga kaso sa karapatang pantao at kumakatawan sa mga sektor na nasa laylayan ng lipunan.

Ang NUPL ay isang pambansang samahan ng mga abogado na humahawak ng mga kasong may kaugnayan sa karapatang pantao at pampublikong interes, at matagal nang itinatanggi ang mga akusasyong nagsisilbi itong legal front ng mga grupong komunista.

Wala pa namang inilalabas na pahayag si Atty. Ligutan kaugnay sa mga paratang ni Badoy.