-- Advertisements --

Nakatakda nang masimulan ang pagpapatupad ng number coding scheme sa National Capital Region (NCR) ngayong linggo dalawang araw matapos na mailathala ang resolusyon nito sa Official Gazette bukas, araw ng Martes, Nobyembre 30, 2021.

Ito ay sa kabila ng patuloy na pagdagsa ng mga indibidwal na nag nanais na bumisita sa mga establisyemento at mga pampublikong lugar dahilan ng patuloy na pagdami ng mga bumabyaheng sasakyan sa kahabaan ng mga pangunahing kalsada sa rehiyon na halos nagiging katumbas na ng dami ng mga sasakyan noong panahong bago pa lamang tumama ang covid-19 pandemic sa Pilipinas.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos, ito ay matapos na mapagkasunduan ng majority ng mga alkalde sa buong Metro Manila na muling ipatupad ang nasabing alituntunin sa rehiyon.

Paliwanag ng chairman, ang papairalin na alituntunin ay hindi kagaya noon na buong araw ipinapatupad bagkus ay tuwing rush hour sa hapon lamang aniya ito isasagawa.

Aniya, planong ipairal ang number coding scheme mula Lunes hanggang Biyernes dakong alas-5 ng hapon na magtatagal naman hanggang alas-8 ng gabi.

Paglilinaw ni Abalos, tanging mga pribadong sasakyan at mga light truck na dumadaan sa EDSA mula 5am hanggang 9pm lamang ang sakop ng nasabing number coding at exempted aniya rito ang mga motorsiklo at mga public utility vehicles (PUVs) dahil kasalukuyan pa ring limitado ang kapasidad ng mga pasaherong maaaring isakay nito sa ilalim ng umiiral na Alert Level 2 sa rehiyon.

Magugunita na sinuspinde ang number coding scheme sa Pilipinas noong nakaraang taon nang magsimulang tumama ang covid-19 pandemic sa bansa. (Marlene Padiernos)