-- Advertisements --

Mariing kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang isang Bacolod-based radio program anchor matapos nitong magbitaw ng hindi angkop na biro at pahayag sa isang babaeng reporter habang nasa live coverage.

Ayon sa NUJP, itinuturing nilang isang kaso ng sexual harassment ang insidente, kung saan sinasabing nagbiro ang anchor ng tungkol sa “r*pe” habang kausap ang reporter na simpleng nag-uulat lamang ng balita tungkol sa isang kaso ng pang-aabuso.

Giit ng grupo, patuloy pa rin ang problema ng misogyny at “macho culture” sa ilang newsrooms, at marami pa ring insidente ang hindi naiuulat dahil sa takot ng mga biktima na mawalan ng trabaho, hindi paniwalaan, o mapahiya.

Nanawagan din ang NUJP sa mga media organization na magpatupad ng mas mahigpit na polisiya laban sa sexual harassment at tiyaking ligtas at makatarungan ang workplace para sa mga mamamahayag.

Samantala, humingi ng paumanhin ang naturang radio anchor at inamin na naging “insensitive, irresponsible, and entirely unacceptable” ang kanyang naging pahayag, at iginiit na hindi niya intensyong maliitin ang mga biktima ng sexual violence.

Liban dito sinuspinde na ang nasabing anchor at nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon ang Committee on Women and Children ng Bacolod City Council kaugnay ng insidente.