-- Advertisements --

Inirekomenda ng administrasyong Marcos ang kabuuang P643.95 bilyong pambansang badyet para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa darating na taong 2027.

Mas mataas ito ng 21.29 porsyento o humigit-kumulang P113.05 bilyon kumpara sa kasalukuyang P530.90 bilyong pondo ng ahensya ngayong 2026.

Paliwanag ng Department of Budget and Management (DBM), ang malaking bahagi ng idinagdag na alokasyon ay nakalaan para sa mga patuloy na Infrastructure Flagship Projects na pinopondohan ng lokal at ng mga dayuhang institusyon.

Kabilang sa mga pangunahing proyektong makikinabang sa pondo ang Laguna Lakeshore Road Network, Bataan-Cavite Interlink Bridge, Davao City Bypass, Cebu-Mactan Bridge and Coastal Road, at ang Pasig-Marikina River Channel Improvement Project Phase IV.

Inaasahang ang pagpapalakas sa infrastructure spending ay magiging daan upang makalikha ng karagdagang trabaho, mabawasan ang pamasahe at gastos sa biyahe, mapag-ugnay ang iba’t ibang rehiyon, at lalo pang mapabilis ang paglago ng ekonomiya ng bansa.