-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Itinuturing na ng Department of Health (DOH)-Region 2 ang Nueva Vizcaya na epicenter ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa ikalawang rehiyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Rio Magpantay, regional director ng DOH-Region 2, na ang Nueva Vizcaya ay may 351 na COVID-19 positive, 222 ang active cases, 119 ang recoveries at 10 na ang nasawi.

Sa nasabing bilang, pinakamarami ang naitala sa bayan ng Solano na mayroon na ring community transmission kaya isinailalim sila sa modified enhanced community quarantine hanggang sa huling araw ng Setyembre.

Sinabi ni Dr. Magpantay na nagsagawa na sila ng aggressive mass testing sa mga lugar na maraming kaso ng COVID partikular na sa mga bayan ng Solano, Bayombong, Bagabag, Quezon, Dupax Del Sur at Aritao.

Kapag lumabas na ang resulta ng mass testing ay aasahan na tataas pa ang maitatalang COVID positive sa Nueva Vizcaya.

Nagpadala na rin ang DOH-Region 2 ng limang nurse na magsisilbing augmentation force sa Solano na magtatagal hanggang Disyembre 2020 upang tumulong na mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa nasabing bayan.

Naglaan na rin ng P10 milyon na pondo ang DOH-Region 2 para sa nurses deployment program sa loob ng tatlong buwan.

Dahil dito, napagkasunduan ng mga opisyal ng DOH at mga lokal na opisyal sa Nueva Vizcaya na mas lalong higpitan ang pagpapatupad ng mga health protocols sa kanilang nasasakupan.