Itinutulak ni Nueva Ecija Representative Ria Vergara ang pagpapanumbalik sa kapangyarihan ng National Food Authority na unang natanggal, kasabay ng pagkakasabatas sa Rice Tariffication Law.
Pangunahin na dito ay ang kakayahan at kapangyarihan ng NFA na i-regulate o patatagin ang presyuhan ng bigas.
Ayon sa mambabatas, nais niyang makitang maibalik ang dating papel ng NFA na taga-import ng bigas ng bansa.
Kasama na rin dito ang kakayahan ng NFA na magbenta ng bigas sa mas murang presyo, daan para mapilitan din ang mga retailers na ibaba ang kanilang presyuhan.
Kailangan aniya ng isang ahensya na kayang gawin ito upang matugunan ang pagmomonopolya ng mga retailers, at maging ang mga rice cartel sa presyo ng kanilang mga panindang bigas.
Ang mga nasabing grupo lamang kasi aniya ang nasusunod sa kung anong presyo ang kanilang idikta.
kasabay nito, nanawagan ang mambabatas na repasuhin ng husto ang RTL na siyang naging dahilan kung bakit tuluyang nawalan ng kapangyarihan ang NFA simula ng ito ay naisabatas.