Dismayado ngayon ang National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) hinggil sa naging desisyon ng korte ng Maynila na ibasura ang pagdedeklara sa Communist Party of the Philippines (CPP) at armed wing nito na New People’s Army (NPA) bilang isang teroristang grupo.
Ayon kay NTF-ELCAC Executive Director Emmanuel Salamat, ang naging pasya na ito ng korte ay tila pagbabalewala sa lahat ng naging sakripisyo ng mga sundalong nagbuwis ng kanilang buhay at iba pang mga indibidwal na nagtulungan para pigilan ang insurgency sa bansa.
Aniya, dahil dito ay posibleng mabuhay nanaman muli ang paghahasik ng karahasan ng naturang mga rebelde at gayundin ang panlilinlang ng mga ito sa mga kabataan sa pamamagitan ng pagrerecruit ng kanilang mga bagong miyembro.
Paliwanag pa niya, ang pagkukubli raw kasi ng mga oito sa kanilang mga tunay na kulay ang dahilan kung bakit maraming mga kabataan ang kanilang nahihikayat kaya bahagi aniya ng kanilang adbokasiya laban sa nasabing mga komunista na ilantad ang mga totoong kulay ng mga ito sa mamamayan bilang isang teroristang organisasyon.
Magugunita na kamakailan lang ay ibinasura ng korte ng Maynila ang petisyon ng Department of Justice (DOJ) na ideklara ang CPP-NPA bilang isang ganap na teroristang organisasyon.
Bagay na hindi sinasang-ayunan ng anti-insurgency task force ng pamahalaan kasabay ng pagbibigay-diin na ang grupong ito ay talagang nakagawa ng mga gawaing terorismo.