-- Advertisements --

Pinag iisipan ng pamahalaan ang pagbabalik sa polisiya ng mandatory na pagsusuot ng face shield sa bansa na siya namang sinuportado ng National Task Force Against COVID-19 at ng Department of Health (DoH) dahil sa paglitaw ng Omicron variant.

Sinabi ni National Task Force chief implementer Carlito Galvez Jr., na kasama ang Department of Health at iba pang mga eksperto ay suportado aniya nila ang posibleng muling pagbabalik sa mandatoryong pagsusuot ng face shield sa bansa.

Magsisilbi kasi aniya na karagdagang proteksyon ang mga ito laban sa nasabing bagong variant.

Binigyang diin din ni Galvez na talagang na-control aniya ang pagdami ng hawaan ng kaso ng Delta variant sa bansa maging ang pagtaas ng bilang ng mga namamatay at mga nao-ospital dahil aniya sa dagdag na proteksyon na ibinibigay ng face shield.

Sa bukod naman na pahayag ay sinabi rin ni Health Epidemiology Bureau director Dr. Alethea de Guzman na nagpapatuloy ang isinasagawang pag aaral ng kanilang bureau hinggil sa nasabing variant at di rin aniya magtatagal ay magkakaroon din sila ng mga panibagong rekomendasyon ukol dito.

Samantala, sa bukod din na pahayag ay sinabi naman ni Infectious Disease Expert and Epidemiologist Dr. Eric Tayag na ang COVID-19 Omicron variant ay posibleng airbornes base sa mga naunang ulat sa South Africa ngunit paglilinaw niya ay wala pa itong tahasang kumpirmasyon mula sa World Health Organization (WHO).

Sa kasalukuyan ay wala pa naman aniya ang napapaulat na mga pasyenteng tinamaan ng nasabing variant na umabot na sa kritikal ang lagay o mga namatay.

Magugunita na inalis ng pamahalaan ang polisiya sa mandatoryong pagsusuot ng face shiled sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 4 pababa noong November 15, 2021. (Marlene Padiernos)