Nagbanta ang Kamara na i-contempt ang mga opisyal ng National Telecommunications Commission (NTC) sa oras bumigay sa panggigipit ng Office of the Solicitor General (OSG) hinggil sa paggawad ng provisional authority to operate sa ABS-CBN matapos na mapaso ang prangkisa nito kahapon, Mayo 4.
Ayon kay House Committee on Legislative Franchises chairman Franz Alvarez hinahamon ng OSG sa naging hakbang nito ang Constitutional authority ng Kongreso sa paggawad, pagtanggi, pagpapalawig, pagbawi o pagbago ng broadcast franchise.
“The power of Congress to legislate is complete, full, and plenary. A legislative franchise is a law and by deciding whether to grant or deny a franchise, it is passing a law and making policy. The Solicitor General should have the decency to give Congress this courtesy to complete the exercise of its power,” ani Alvarez.
Hindi aniya magpapadikta ang kanyang komite sa sinuman o anumang ahensya ng pamahalaan sa kung paano at kailan dapat isagawa ang pagdinig hinggil sa franchise renewal application ng ABS-CBN.
Kasabay nito, muling inatasan ng komite ang NTC na pahintulutan ang Lopez-led broadcast company na makapag-operate hanggang sa makabuo ng desisyon ang Kamara sa kanilang prangkisa.
Mahalaga aniya ito para mabigyan ng sapat na panahon ang Kongreso para mapag-aralan ng husto ang qualification ng naturang media giant at para makonsidera rin ang posisyon ng iba’t ibang stakeholders.
Binigyan diin ni Alvarez na walang dahilan para ihinto ng ABS-CBN ang operasyon nito kasunod na rin nang paglabas ng legal opinion ng Department of Justice.