Ipinag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) ang 30 araw na suspensiyon sa operasyon ng Sonshine Media Network International (SMNI) dahil sa napaulat na paglabag sa mga tuntunin at kondisyon ng prangkisa nito.
Ginawa ng NTC ang naturang anunsiyo ngayong araw ng Huwebes.
Binigyan ang network ng 15 araw mula sa pagtanggap ng naturang kautusan upang magpaliwanag sa pamamagitan ng sulat kung bakit hindi ito dapat patawan ng parusang administratibo.
Sinabi ng NTC na kinikilala nito ang deklarasyon ng Mababang Kapulungan ng Komlngreso na nilabag ng Swara Sug Media Corporation na nag-ooperate sa SMNI ang 3 partikular na probisyon sa legislative franchise nito at iginagalang nito ang naturang pagpapasiya ng Kapulungan at ng awtoridad nito.
Ito ay matapos na matanggap ng komisyon ang kopya ng resolusyon noong Disyembre 12, 2023 kung saan nakasaad ang 3 paglabag na sinasabing ginawa ng SMNI.
Kabilang ang sadyang pagpapakalat ng maling impormasyon, ang paglilipat ng shares nang walang pag-apruba mula sa Kongreso, at bigong pagaalok ng hindi bababa sa 30% ng natitirang stock nito.
Kaugnay nito, itinakda ang kaukulang administrative hearing sa naturang usapin sa Enero 4, 2024.
Sa ngayon, sinusubukan ng Bombo radyo na makunan ng komento ang pamunuan ng network kaugnay sa suspemsion order ng NTC.