Nagbabala ang National Privacy Commission (NPC) sa mga indibidwal na nagbabalak na mag-download sa mga datus at impormasyong inilabas ng hacker mula sa PhilHealth.
Sa inilabas na statement ng NPC, sinabi nitong nakatanggap na ito ng mga mulat na may ilang indibidwal na nagtangkang kumuha at magpakalat sa mga inilabas na datus.
Ayon sa NPC, ang sinumang indibidwal na mahuhuling nagpo-proseso, mag-download, o magpakalat sa mga naturang datus ng walang kaukulang authorization ay mahaharap sa mabibigat na kaparusahan.
Maari umanong maharap sa ibat ibang kaso ang mga ito, katulad ng identity theft, fraud, extortion, blackmail, at iba pang kaugnay na kaso.
Ang mga matutukoy na guilty, ayon sa komisyon, ay maaaring maharap sa mga kaparusahan na kinabibilangan ng anim na taong pagkakakulong, at multa na aabot ng hanggang P4million.
Setyembre a-22 nang mapasok ng Medusa ransomware ang sistema ng Philhealth na naging daan para sa tuluyang pagkakalabas ng mga datus na hawak ng state health insurer.
Kamakailan lang nang kinumpirma ng Department of Information and Communications Technology na inumpisahan na rin ng hacker na ilabas ang mga impormasyong una nitong nakuha mula sa ginawang hacking.