-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Hindi isinasantabi ng Philippine Army na mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang pumatay sa tatlong local officials sa Ayungon at Canlaon City, Negros Oriental, kaninang madaling-araw.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay 303rd Infantry Brigade commander Brigadier General Benedict Arevalo, ang pagsulat ng mga suspek ng salitang “TRAIDOR SA NPA” sa dingding ng bahay ni Punong Barangay Ernesto Posadas ng Brgy. Panubigan, Canlaon City ay isa sa mga palatandaan na iniiwan ng komunistang grupo kung sila ang responsable sa krimen.

Si Posadas ay pinatay ng armadong mga lalaki sa loob ng kanilang bahay pasado alas-12:00 ng madaling-araw.

Ayon kay Police Staff Sergeant Jerold Depositario ng Canlaon City Police Station, halos magkasabay na pinasok ng mga suspek ang bahay nina Posadas at Canlaon City Councilor Ramon ‘Bobby’ Jalandoni na kapwa nakatira sa Brgy. Panubigan.

Sinira umano ng mga suspek ang padlock sa pintuan ng bahay ng konsehal at siya ay pinagbabaril.

Sinasabing naka-bonnet ang mga suspek na kaagad tumakas sakay sa van habang sumisigaw ng “Mabuhay ang NPA.”

Dakong alas-2:30 ng madaling-araw naman, pinasok ng armadong mga lalaki ang bahay ni dating Ayungon Mayor Edsel Enardecido at binaril ang dating opisyal.

Pinatay din ng mga suspek ang pinsan ng dating alkalde na si Leo Enardecido.