CAGAYAN DE ORO CITY – Hawak na ngayon ng mga tropa ng pamahalaan ang umano’y opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na una nilang naaresto sa bisa ng warrant of arrest habang nagtatago sa Purok 3, Barangay Paitan, Quezon, Bukidnon.
Sa intelligence monitoring ng Regional Special Operations Unit (RSOU) ng Police Regional Office 10 natukoy ang impormasyon at lokasyon ng suspek na si Adelaida Magtapoc alyas Gwen na taga-Purok 1, Barangay Bitan-agan, Butuan City at nagtatago sa Bukidnon.
Humaharap ito sa kasong kriminal sa sala ni Regional Trial Court (RTC) Branch 7 Presiding Judge Zenaida Placer ng Bayugan City, Agusan del Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni RSOU Region 10 investigator Police Cpl. Rex Gulben na inaresto ng PNP at militar si Magtapoc dahil sa kasong robbery, double homicide at damage to properties.
Inihayag ni Gulben na ang kanilang naaresto ay mayroong patong sa ulo na P5.3 milyon dahil sa pagiging wanted nito sa batas.
Nakumpiska rin ng mga otoridad sa suspek ang mga ebedensiya na mayroong kaugnayan sa kinabibilangan nitong armadong grupo.
Sa sasalukuyan ay nakakulong ang suspek sa Quezon Municipal Police Station detention facility.
Inihahanda na rin ang karagdagang kaso na isasampa sa piskalya bago iprisinta sa korte sa Caraga region.
Si alyas Gwen ay dating kalihim ng Far South Mindanao Region, consultant ng NDF at napabilang rin sa CPP-NPA-NDF central committee.
Magugunitang bago ang pagkaaresto ni Magtapoc ay sumuko ang muna ang NPA front secretary at walong kasamahan nito sa 23rd IB, Philippine Army na nakabase Caraga.