-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Sinampahan na ng 11 bilang ng kasong attempted murder ang 12 miyembro ng pinaghihinalaang New People’s Army (NPA) na sangkot sa pag-ambush sa mga tauhan ng Marines Batallion Landing Team (MBLT) sa Gattaran, Cagayan, noong nakaraang buwan.

Sinabi ni Lt. Col. Fidel Macatangay, commanding officer ng MBLT-10, na inihain ang kaso sa Prosecutor’s Office laban kina Joey Pasion, Dominador Javier, at Bernardo Pardian ng Baggao; Francisco Reyes at Allan Rey Balanay, ng Sta. Ana; Greg Somera ng Gattaran; Estelito Valencia ng Amulung; Christina Magistrado, Joyce Sucapen, Gerald Christian Mercado, at Mylene Mendez

Ayon kay Macatangay, ang mga nabanggit na pangalan ay batay sa imbestigasyon ng Philippine National Police.

Kung maaalala, wala namang nasaktan sa pagsabog ng landmine at pagpapaputok ng baril ng mga umano’y rebelde.

Sa kabila nito, muling nagbabala si Macatangay sa mga politiko na makikipag-ugnayan sa NPA ngayong panahon ng halalan.

Binigyan-diin niya na kung may maaaktuhang politiko na may ugnayan sa teroristang grupo ay “may kalalagyan” ang mga ito.

Ayon sa kanya, hindi kailanman matatahimik ang bansa kung patuloy na may mga opisyal at mga politiko na tumutulong sa NPA.