-- Advertisements --

Nakisawsaw na rin ang komunistang New People’s Army (NPA) sa palitan ng maaanghang na salita sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ilang miyembro ng Makabayan bloc.

Sa isinapublikong pahayag ni Jorge Madlos o kilala rin bilang Ka Oris, tagapagsalita ng NPA National Operational Command (NOC), sinabi nito na hindi nila kagrupo si Jeffrey Celiz, ang star witness sa mga nagdaang pagdinig ng Senado hinggil sa red-tagging.

Si Celiz ay dating aktibista at naging kinatawan ng militanteng grupo na Bagong Alyansang Makabayan sa Iloilo City.

Ginamit ito ni Celiz upang ituro ang Makabayan block bilang fronts umano ng Communist Party of the Philippines (CPP) at NPA. Ibinunyag din nito ang mga personalidad sa naturang partido na di-umano ay miyembro ng CPP.

Tinawag ni Madlos na sinungaling si Celiz dahil sa kaniyang mga inconsistent na kwento at kwestyonableng track record bilang drug personality at suspected mastermind sa likod ng extrajudicial killing ng mga maka-kaliwang personalidad.

Kasama rin daw pagsisinungaling ni Celiz ang sinabi nito na dati siyang miyemro ng NPA-NOC simula 2002 hanggang Marso 2015.

Paliwanag ni Madlos na imposible itong mangyari dahil noong 2016 aniya ay hindi pa nabubuo ang NOC.

Pinasinungalingan din nito ang naging pahayag ni Celiz na nakadaupang-palad na niya ang lider ng mga rebelde sa isang plenum ng NOC na isinagawa sa Surigao del Sur at Compostella Valley noong 2006 o 2007.

Dagdag pa ni Madlos na ito ang kuna-unahang beses na narinig niya ang pangalan ng nasabing whistleblower.

Nanawagan din ito kay Senator Panfilo Lacson na huwag kaagad paniwalaan ang mga sinasabi ni Celiz sa bawat Senate hearings.

Ang mga tao umano na tulad ni Celiz ay gagawin ang lahat upang siraan ang CPP at NPA, maging ipitin ang mga aktibista na nais lamang ipaglaban ang kanilang paniniwala.