Nakatakda nang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang naarestong umano’y notorious Norwegian pedophile na wanted sa Oslo dahil sa pangmomolestiya sa mga menor de edad.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ang suspek ay nakilalang si Alexander Calapini-Solberg, 53.
Naaresto ito sa Brgy. 48-A Cabunggaan, Laoag City, Ilocos Norte sa pamamagitan ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) ng BI.
Isinalarawan ni Morente si Solberg na high-profile fugitive na wanted sa Norway dahil sa anim na bilang ng sex offense cases na isinampa sa kanya sa korte.
Una rito, nag-isyu na si Morente ng mission order para arestuhin si Solberg dahil na rin sa request ng Norwegian authorities.
Dito nalamang ang suspek ay hindi na pala dokumentado at ni-revoke na ng Oslo government ang kanyang pasaporte.
Sinabi naman ni BI-FSU Rendel Ryan Sy na mayroon din umanong Interpol Red Notice na inisyu noong Disyembre 2021 laban kay Solsberg base na rin sa arrest warrant na inilabas ng Folio Og Norde Ostfold District Court sa Norway.
Ang warrant of arrest nito ay base na rin sa hindi bababa sa apat na bilang ng reklamo dahil sa paulit-ulit umanong pangmomolestiya sa mga kabataan.
Sa ngayon, nakaditine na ang suspek sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.