-- Advertisements --

Plano ng Bureau of Immigration (BI) na ipa-deport pabalik sa kaniyang bansa ang isang lalaking Japanese na kinilala bilang lider ng notorious syndicate sa Japan.

Ito ay matapos masangkot ni Tomohiro Koyama, 49 taong gulang sa sunud-sunod na marahas na krimen sa nasabing bansa.

Kung matatandaan, naiulat na kamailan si Tomohiro matapos itong kinilala bilang “number three” sa isang gangster syndicate na “JP Dragon”.

Ayon kay BI Commissioner Normal Tansingco, ang nasabing banyaga ay inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong Enero dahil sa kasong estafa na siyang malinaw na paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code in Relation to Presidential Decree 1689.

Bukod dito, nasampahan din siya ng kasong paglabag sa Section 11 of Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Base sa naitalang record ng BI, taong 2019 dumating si Tomohiro habang sa taong 2020 naman nailagay sa blacklist ang naturang banyaga matapos makatanggap ang ahensiya ng impormasiyon patungkol sa mga krimeng nagawa ni Tomohiro.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng BI si Tomohiro at inihahanda na upang pabalikin sa kanilang bansa.