Inilatag ng Norway Ambassador sa papasok na administrasyon ang pagbabago ng polisiya pagdating sa renewable sector sa Pilipinas upang makalikha ng 50,000 trabaho.
Ito ang inihayag ni Norwegian Ambassador to the Philippines Bjorn Jahnsen sa courtesy call nito kay President-elect Ferdinand Marcos Jr.
Ibinahagi ng Norway diplomat ang isang pag-aaral ng World Bank na kapag matagumpay na nakapagdevelop ang Pilipinas ang renewable energy sector nasa 50,000 “good paying” jobs ang maaaring malikha sa bansa.
Subalit kailangan aniya ng adjustment sa kasalukuyang polisiya sa bansa katulad na lamang sa foreign campanies na kailangang magmay-ari ng majority of equity sa ganitong uri ng investments dahil madalas na nag-iinvest ang mga ito ng bilyong dolyar at nais ng mga foreign investors na makasiguro na magkaroon ng majority stake sa kanilang investment.
Ipinunto ng diplomat na ang renewable energy sources gaya na lamang ng offshore wind ay isang malaking oportunidad para sa Pilipinas para magkaroon ng maraming pagkukunan ng suplay ng enerhiya.
Nakikita aniya na lumalago ang ekonomiya ng bansa kasabay ng pagtaas ng energy consumption kung kayat ang offshore wind ang isa sa pinakamainam na palaguin para sa hinaharap.
Aniya, nagbigay ng investment ang Norway sa Pilipinas sa renewable energy at mas marami pa aniyang kompaniya at investments ang darating sa mga susunod na taon gaya ng offshore wind, floating solar at hydro.