-- Advertisements --

Nagpahayag ng buong suporta ang pinuno ng North Korea na si Kim Jong Un para sa Russia at sa pangulo nito na si Russian President Vladimir Putin.

Ito ang inihayag ng North Korean leader sa kanyang congratulatory message para sa pagdiriwang ng national day ng Russia.

Bagama’t hindi direktang binanggit ni Kim ang nagpapatuloy na sigalot ngayon sa pagitan ng Russia at Ukraine, ay pinuri naman nito ang naturang desisyon aniya ni Putin na inilarawan niya pa bilang tamang desisyon at patnubay upang pigilan ang tumitinding pagbabanta ng mga kaaway na pwersa nito.

Kaugnay nito ay iginiit din ng opisyal na handang magpaabot ang North Korea ng buong suporta at pagkakaisa para sa mga mamamayan ng Russia sa pakikibaka nito para sa pagpapatupad ng sagradong layunin upang mapangalagaan ang mga karapatan, pag-unlad at interes ng kanilang bansa laban sa mataas na kamay at arbitraryong mga gawi ng mga imperyalista.

Kung maaalala, nitong Enero ng taong kasalukuyan ay una nang inakusahan ng Estados Unidos ang North Korea ng pagsusuplay ng mga rocket at missiles sa Russian mercenary group na mariing itinanggi naman ng Pyongyang.

Habang pagsapit naman ng Marso ay sinabi rin ng Washington na mayroon na itong hawak na pruweba na ang Moscow ay nakikipag-ugnayan sa Pyongyang para sa supply ng mga armas na gagamitin umano nito bilang kanilang opensiba para sa Ukraine, kapalit ng food aid para sa mga mahihirap na residente ng North Korea.