-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Itinuring ngayon ng mga prosecutor ng Northern Mindanao na kahawig ng ‘whole of the nation approach’ na paglaban ng terorismo at armadong rebolusyon ang gusto na mangyari ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa talamak ng kurapsyon sa bansa.

Ganito ang pagkaunawa ni Northern Mindanao Regional State Prosecutor Merlynn Uy kaugnay sa kautusan ni Duterte kay Justice Secretary Menardo Guevarra na pangungunahan ang pag-iimbestiga ng lahat ng government agencies na nasangkot ng malakang kurapsyon sa pera ng bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Uy na hihintayin nila ang direktang kautusan ni Menardo sa kanila kung paano sila magta-trabaho sa gustong mangyari ni Duterte laban sa tila malubhang sakit ng lipunan na kurapsyon.

Inihayag ni Uy ngayon pa lamang ay hinikayat na nito ang taong-bayan na likumin at buuin ang impormasyon at mga ebedensiya laban sa tiwalang mga opisyal para ma-iimbestigahan ang mga ito.

Dagdag ng opisyal na maari rin na mismo sila ang magsasagawa ng imbestigasyon kung mayroong hayagang akusasyon ng kurapsyon ang isang ahensiya kapag walang mga sibilyan na magsisilbing complainants.

Magugunitang una nang sinabi ni Duterte na sa natitira nitong ilang taon ng serbisyo ay makatuon na ang kanyang atensyon sa mas pinaigting na kampanya laban kurapsyon mula national patungo sa lokal na level ng mga tanggapan ng gobyerno sa bansa.