Naghahanap ngayon ang pamahalaan ng non-traditional source ng mga abono o fertilizer para sa ating mga kababayang magsasaka.
Isa ito sa mga nakikitang paraan ng gobyerno upang matiyak na mayroong sapat na suplay nito sa bansa sa halagang abot-kaya.
Sa isang pahayag ay sinabi mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kasalukuyan siyang lumalapit at nakikipag-kaibigan ngayon sa iba’t-ibang bansa na hindi naman ina-angkatan ng Pilipinas noon dahil sa pagbabaka sakali na makakabili ang pamahalaan ng mas murang fertilizer.
Dagdag pa ng pangulo, bukod dito ay nakikipagtulungan din aniya ang gobyerno sa mga pribadong sektor para makagawa ng mga paraan na mas makakamura ang mga magsasaka sa pagbili ng mga pabata sa kanilang mga pananim nang sa gayon ay mayroon din aniya silang tiyak na kikitain kahit papaano.
Samantala una rito ay ipinahayag na rin ng Palasyo ng Malakanyang na isa sa mga kinokonsidera ni Marcos Jr. ukol dito ay ang pakikipagnegosasyon sa iba pang mga bansa tulad ng China, Indonesia, United Arab Emirates, Malaysia, at Russia.
Kaugnay nito ay matatandaan na kamakailan lang ay inatasan na rin ng pangulo ang Department of Trade and Industry (DTI) na mamahagi ng murang mga fertilizer sa mga magsasaka.