-- Advertisements --

Nagpakawala ang North Korea ng ballistic missile bago ang taunang joint military drills ng Estados Unidos at South Korea na kilala bilang Ulchi Freedom Shield, na tatakbo ng 11 araw mula Lunes, Agosto 17-27.

Ito na ang ikalawang ballistic missile test ng naturang bansa sa loob lamang ng isang linggo, na nakikita bilang protesta laban sa military drills na sa kanilang pananaw ay isang pagsasanay para sa invasion o pagsalakay.

Ayon sa Joint Chiefs of Staff ng South Korea, pinaputok ang ballistic missile mula sa eastern coastal Wonsan Area patungo sa East Sea na kilala din bilang Sea of Japan dakong alas-6:00 ng umaga ngayong Miyerkules, na umabot ng mahigit 700 kilometers.

Nakahanda naman ang panig ng South Korea sa pakikipag-tulungan sa Amerika para pigilan ang anumang probokasyon ng North Korea.

Hinimok naman ng presidential national security council ng Seoul ang Pyongyang na itigil ang paglulunsad ng ballistic missiles, na tinawag nitong isang gawain ng probokasyon na lumalabag sa mga resolution ng United Nations Security Council.